Thursday, September 25, 2008

Kulong

Nakulong kami ni Kenkoy...

dito sa flat namin :P Pagkagising namin kanina at habang naghahanda kami bago ko sya ihatid sa school ay hindi ko mahanap ang set of keys ko. Naalala ko ay inabot ko kagabi kay Labs nung nag-grocery kami kasi wala akong bulsa. Tinawagan ko si Labs at ayun, nadala nga nya pareho yung set of keys nya at yung sa akin. Di kami makakalabas ni Kenkoy. Absent tuloy si Kenkoy sa school :( May spelling test pa naman sila ngayon.


Tuesday, September 23, 2008

Updates/New Set-up

Labs. Pang-3rd week na namin ito mula nang magsimula si Labs sa bagong company na pinapasukan nya. Nakapag-adjust na rin kami. Wala namang napansin na kakaiba kay Kenkoy kaya tingin ko ay ok din naman sya.

Nakakapanibago lang kasi 4 yrs din si Labs na telecommuting. Ngayon balik opisina ulit sya. Dagdag sakripisyo para kay Labs kasi 1 hour ang travel time papasok then another 1 hour pauwi.

Pero may bawas din naman sa kuryente kasi kadalasan off na ang notebook nya at ang modem hindi tulad dati na naka-on 'yun ng halos 24/7. At ok din dahil nagkaroon kami ng fix schedule kaya pabor para sa body clock namin.

Nga pala, may karagdagang service sina Labs. Bukod sa 12:30 pm Mass every Sunday sa Church of St. Teresa ay may 3 pm Tagalog Mass na rin silang kakantahan every 3rd Sunday of the month. Ang Tagalog Mass ay sa Holy Cross Church sa may Clementi. Madami-dami din ang Kasalang nakantahan nila this year. Naka-lima o anim na ata. At may dalawa pang naka-schedule sa Nov at Dec.


Lit Coo. Nakasanayan ko na rin ang bagong set-up namin. Dagdag labada at plantsahin para sa akin kasi araw-araw ng naka-office attire si Labs. Balik ulit ako sa paghatid-sundo kay Kenkoy. Kaya ko naman na ngayon. May energy na ako. Siguro hirap lang ako dati dahil sa paglilihi. Nakapaglinis-linis na rin ulit ako dito sa bahay. Medyo natatakot lang ako dahil baka nesting instinct pala itong paglilinis ko eh biglang mapaaga ang panganganak ko. Hindi pa safe ngayon dahil 23rd week ko pa lang. May 15 weeks pa para ma-consider na fullterm na si Aaron.

May tatlong libro nga pala akong hahanapin sa library. Sana meron para hindi na ako bibili. Nakita ko ang mga libro sa Catholic store sa may ibaba ng preschool nina Kenkoy. Pero naisip ko tingnan ko muna at baka meron naman sa library. Yung isa, tungkol sa paglilinis ng clutter. Baka sakaling may mapulot akong tips. Para kasing hindi maubos-ubos ang kalat namin (hayayay). Pangalawang libro, sa pag maximize ng oras sa bawat araw. Time management. Kailangan ko din matutunan. At ang pangatlong libro, praying for your unborn child... para kay Aaron.


Lit Coo at Aaron. Saglit na lang manganganak na ako. Nakapagpa-book na kami ng plane tickets. Sa Pinas ako manganganak. Kaunti na lang ang bibilhin naming gamit kasi nakatabi pa naman ang pram, bath tub, high chair, potty, diaper bag at ibang mga damit/laruan ni Kenkoy. Lilinisin na lang. Ipapamana din ng hipag ko ang mga damit ng bunsong anak nila. Bago pa naman yung mga yun dahil kaka-1 year old lang ng pinsan nina Kenkoy. Pinahiram din ako ng pinsan ni Labs ng breastpump. Effective daw sa kanya yung Avent breastpump. Sana effective din sa akin. Sana this time makapagpa-breastfeed ako. Ayun, nakaka-excite :)


Aaron. Sabi ng OB normal daw lahat ako at si Aaron based sa last scan ko. Pero 70% lang daw accuracy nun. Suggestion nya magpa-amniosyntesis daw ako. Sabi ko ayaw naming mag-asawa. Tanggap namin kung ano man ang ipagkakaloob ni Lord at aalagaan namin si Aaron. Panghahawakan namin ni katiting na pag-asang normal & healthy si Aaron. Mataas na rin naman yung 70%. Sana nga dinggin ni Lord ang dalangin namin/natin na normal & healthy si Aaron. Sa lahat ng pinagdaanan namin survivor itong si Aaron. Papasalamat ako kay Aaron at nakayanan nya lahat ng stress na pinagdaanan namin. Pipilitin kong bigyan sya ng masayang buhay. Naway balang araw, gaya ng Kuya nya, magpapasalamat din sya sa amin (at sa Diyos) sa pagkakataong mabuhay sa mundo.


Kenkoy. Si Kenkoy naman ay ga-graduate na sa November. Magkaka-grade schooler na kami :) Kahapon ay ibinigay na sa amin ang graduation picture ni Kenkoy (at naka-post na rin sa Friendster ni Lit Coo). Cutie ang kuha ni Kenkoy. Tuwang-tuwa kami ni Labs. Prinaktis namin si Kenkoy sa pag ngiti para hindi kita ang bungi nya (hehe). Mabuti at nakinig si Kenkoy. Natandaan ang aming habilin. Ang galing ng ngiti nya :)

Ay, ang haba na pala nito. Sama sama na lahat ng updates mula sa aming apat. Maraming salamat sa pagbabasa at sa patuloy na panalangin lalung lalu na para kay Aaron.

Monday, September 15, 2008

Panalangin ng Isang Bata

Isang araw paghatid ko kay Kenkoy sa school ay niyaya nya akong dumaan sa simbahan (same compound lang ang preschool ni Kenkoy at ang simbahan). Sabi ko kahit saan naman pwede syang magdasal. Maririnig pa rin sya ni Lord. Eh pinilit pa rin nya ako. Pinagbigyan ko na din.

Pagpasok namin sa simbahan ay humanap sya ng pwesto. Nagsimula na syang magdasal. Ang lakas magdasal ni Kenkoy kaya nalaman ko ang mga dalangin nya.

Nung unang araw nagpasalamat sya kay Lord sa trabahong ibinigay para sa Papa nya. Tapos sabi nya sana daw ma-enjoy nya ang pagpasok sa school sa araw na yun.

Sumunod na araw akala ko ganun ulit ang dadasalin nya. Iba pala. Ipinalangin naman nya ang kapatid nya. Sana daw ok lagi si baby. Tapos saka nya ipinalangin ulit na mag-enjoy sya at matuto sa school sa araw na yun.

Iba talaga manalangin ang mga bata. Habang naririnig ko si Kenkoy sa pagdarasal ay pinipigilan ko ang luha ko sa pagtulo. Very sincere ang dalangin nya. Parang kung ako si Lord ay hindi talaga ko makakatanggi sa mga kahilingan. Kaya siguro sinasabi nilang malakas ang mga prayers ng mga bata.

Ang nakakatuwa pa dun ay hinuhuli ni Kenkoy ang sarili nya. Inuuna nyang ipagdasal ang mga mahal nya sa buhay bago ang sarili nya :)

Kinwento ko kay Labs. Sabi nya nakakatuwa daw magdasal si Kenkoy. Routine na pala nilang mag-ama ang dumaan muna sa simbahan bago pumasok sa school. Si Labs kasi ang halos nag-hatid-sundo kay Kenkoy noong hirap ako sa paglilihi. Bonding moment pala nilang mag-ama yun kaya pala pilit akong hinatak ni Kenkoy papasok ng simbahan. Na-inspire naman ako ni Kenkoy kaya kahit saglit lang dumadaan na kami sa simbahan araw-araw :)

Saturday, September 13, 2008

Paano i-pronounce ang Aaron?

Maraming salamat sa lahat ng nag-participate sa poll. Ngayong alas-kwatro ng hapon, ito ang latest tally:

Air-ren 8 (38%)
Air-run 0 (0%)
Air-an 0 (0%)
Ah-ron 6 (28%)
Ey-ron 7 (33%)


Napag-desisyunan namin ni Labs na Ey-ron ang maging pronunciation ng Aaron ni Kenkoy II.

Friday, September 12, 2008

3rd ultrasound

3rd ultrasound ko kanina. Sa Tuesday pa ang check-up ko sa OB kaya sa Tuesday pa masasabi sa akin ang interpretation ng data. Medyo nakakakaba lang kasi ang dami-daming sukat sukat na naman. Na-trauma na ata ako sa last ultrasound ko, hehe! Based sa data & measurements na binigay ng sonographer ay nag-research si Labs at ayon sa internet ay nasa normal range ang data & measurements ni baby. Umaasa kaming normal & healthy si baby.

Ang sabi ng sonographer ay boy daw si baby :) Natupad ang hiling ni Kenkoy. Ang lakas talaga manalangin ng mga bata :) Maagang pa-birthday sa akin ito ni Lord. Gusto ko talaga dati pa na all boys ang magiging mga anak ko. Di ko matukoy exactly kung bakit. Although ok din kung baby girl. Walang kaso naman sa akin. Ang mahalaga normal & healthy si baby.

Si Kenkoy lang ang nakasama ko sa last ultrasound. Kaka-start lang kasi ni Labs sa new company eh nakakahiya naman kung magli-leave agad sya. Ayun, excited na excited si Kenkoy. Pagkasundo ko pa lang sa kanya sa school ay tuwang-tuwang nagmamadali papalapit sa akin. Sabi ko behaved lang sya habang sinisilip si baby kasi baka palabasin sya ng room. Behaved naman sya. At di ko nakakitaan ng pagseselos. Salamat naman sa Diyos :) Naway hanggang paglabas ni Aaron... hanggang paglaki nilang dalawa ay maging close sila at lumaking nagmamahalan bilang magkapatid.

Maraming salamat nga pala sa mga patuloy na nagdadasal para kay Aaron.

Pagkatapos ng unos, blessings naman :) Lord, maraming maraming salamat pong muli sa lahat ng biyaya :)

Thursday, September 04, 2008

Tapos na ang Delubyo

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang blog entry na ito sa dami ng nasa isipan ko na nais kong isulat. Hindi ko rin alam kung gaano kahaba ang aabutin nito.

Simulan ko na. Ok, game. Ito po ang 2nd answered prayer ni Lord.


Ang pagsubok. Recession ngayon sa S'pore. 26-year high ang record ng inflation rate. 5th most expensive city sa Asia ang S'pore at pang-13th sa buong mundo.

This year walang new projects sina Labs. Biglang naging per project based ang pasahod sa kanya. Imagine, single-income family kami. Tuloy ang mga gastusin at dapat bayaran pero walang monthly income. Halos apat na buwan kami sa ganitong sitwasyon.


Ang mga napagtanto. Magaling si Labs. Matalino at masipag. Alam kong magkakahanap din sya ng kapalit na trabaho. Pero hindi namin akalaing dadaan kami sa butas ng karayom. Biglang may technical exams na ngayon sa mga ina-apply-an nya. Isang beses 1 hour ang interview... hindi basta interview... technical interview yun. Taliwas ito sa mga dating job hunting experiences ni Labs dahil dati isang interview lang may job offer na agad. Ang 1st job nya dito ay 4 days pa lang kami nasa S'pore ay may job offer agad.

At kung may job offer man ngayon ay $300-400 lang ang itinaas sa kauna-unahang sweldo ni Labs dito. Kamusta naman yun eh year 2001 pa yun. At wala pa kaming mga anak nun.

Kaya totoong kahit na anong galing ay wala din kung hindi ipagkakaloob ni Lord ang biyaya. Nasa Kanya talaga ang last say.

Na-realize ko rin kung gaano kahalaga ang pamilya at mga kaibigan. Nakilala namin kung sino talaga ang mga nagmamalasakit sa amin.

Nalaman ko rin kung paano ba namin iha-handle ni Labs ang mabigat na problema. Natutuwa akong malaman na sobrang ok ang relasyon namin kahit under stress. Alam naming may mga pagkakamali kami sa mga naging desisyon namin noong mga nakalipas na taon pero walang sumbatan na nangyari. Walang sigawan. Nandun pa rin ang suporta para sa isa't-isa. Sabi nya uwi na lang daw ako sa Pinas para hindi ako ma-stress. Buntis pa naman daw ako. Sabi ko gusto ko manatili dito. Mas lalu kako akong malulungkot sa Pinas pag magkalayo kami. Huwag kako nya akong alalahanin basta maging masaya lang sya dahil mas nalulungkot ako pag nakikita kong malungkot sya. Kaya ayun, tuloy ang buhay. Kunwari wala kaming problema.


Ang mga pangako. Depressed na kami pareho ni Labs. Araw araw, gabi gabi, panay ang dalangin ko ng panibagong pagkakataon kay Lord. Kahit na kako hindi para sa amin ni Labs kung hindi para man lang kay Kenkoy at kay Aaron/Andrea.

At ang mga pangako ko kay Lord...

Pangakong matuto sa mga naging pagkakamali.
Pangakong patuloy na mamumuhay ng simple (vow of poverty... walang luho... kahit hindi ako Madre, hehe).
Pangakong tutulong sa kapwa ng walang inaantay na kapalit.
Pangakong pahahalagahan ang pamilya at mga kaibigan.


Ang biyaya. Noong 02 Sept ay pumirma na si Labs ng kontrata. Tapos na rin ang delubyo, ika nga ni Labs. At ang ikinabigla namin ay ang pasahod sa kanya. Mas mataas ang bigay ng new company kesa sa huling monthly salary nya. Ang bait talaga ni Lord :) May ibinigay na salary range pero ang revelation ng offered salary ay noong araw ng contract signing. Akala namin ay sa minimum ng range ang ibibigay dahil nga sa recession dito ngayon at baka nagtitipid ang mga kumpanya. Hindi namin akalaing mas mataas pa dun sa maximum/upper limit ng range ang ibibigay. Pleasant surprise galing kay Lord. Tuwang-tuwa kami ni Labs.

Tunay na hindi tayo pababayaan ni Lord :)

Lahat ng papuri, pagpupugay at pasasalamat ay ibinibigay namin kay Lord.

Maraming-maraming salamat talaga sa Diyos.

Maraming-maraming salamat din sa lahat ng nag-patuloy na nagdasal at nakiramay sa amin. Hindi namin kayo makakalimutan sa buong buhay namin.